-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng ilang mambabatas na sila ay dinidiktahan ni House Speaker Martin Romualdez.

Tugon ito ng mga Kongresista sa pasaring ni Senate Pres. Francis Escudero kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa gitna ng isyu ng impeachment case laban kay Vice Pres. Sara Duterte.

Ayon kay Bataan Rep. Geraldine Roman, kung tutuusin ay tahimik ang Speaker sa usapin ng impeachment, at noong isang araw lamang niya sinabi na hintayin ang desisyon ng Senado ukol sa impeachment.

Kaya wala umanong basehan ang pahayag ni Escudero laban sa Speaker.

Giit ni Roman, hindi pwedeng balewalain ng Senado ang nasasaad sa Saligang Batas, na dapat aksyunan nila ang impeachment case.

Habang ayon kay Manila Rep. Rolando Valeriano, “never” o hindi kailanman nagdikta ang Speaker.

Aniya pa, ang pasya nila na pumirma sa Articles of Impeachment laban sa bise presidente ay hindi dikta ni Romualdez, kundi dikta ng taumbayan.