Ikinalugod ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang pagpayag ng gobyerno ng Timor-Leste sa deportasyon ni dating Negros Oriental Congressman Arnie Teves sa Pilipinas.
Sa isang statement, inihayag ng konseho na isang mahalagang development ito sa laban ng ating bansa kontra sa terorismo, impunity at politically motivated violence.
Pinuri din nito ang gobyerno ng East Timor sa pagkilala kung gaano kaseryoso ang mga kaso at posibleng epekto nito sa stability ng rehiyon.
Nakahanay din aniya ang desisyon ng Timor-Leste sa diwa ng pandaigdigang kooperasyon at pagkakaisa ng ASEAN sa paninindigan sa rule of law.
Tiniyak pa ng ATC ang pagpapanagot sa mga banta sa kapayapaan, kaayusan at demokrasiya at wala aniyang lugar ang terorismo sa Bagong Pilipinas.
Matatandaan, iniuri ng ATC si Arnie Teves kasama ang 12 iba pang indibidwal bilang mga terorista dahil sa umano’y mga serye ng pagpatay at karahasan sa Negros Oriental kabilang na ang Pamplona massacre na ikinasawi ni dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at 9 na iba pa noong Marso 4, 2023.