-- Advertisements --

Naniniwala ang international law expert na si Atty. Rodel Taton na maaaring humiling si Zaldy Co ng asylum para ma-delay o mapabagal pa ang deportation sa kaniya.

Ayon kay Taton, maaaring gamitin ni Co ang posibilidad na mapagkalooban siya ng asylum sa naturang bansa, tulad ng ginawa ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque noong nagtungo siya sa Europe.

Maaari aniyang idahilan ni Co na siya ay hinahabol ng Philippine authorities at humaharap sa political persecution dito sa Pilipinas, upang mapagkalooban lamang ng asylum sa bansa kung saan siya naaresto kamakailan.

Maaari rin aniyang gamitin ni Co ang kaniyang mga naunang inilabas na video noong nakalipas na taon ukol sa umano’y serye ng korapsyon na nangyayari sa bansa na kinauugnayan ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Atty. Taton, maaaring gamitin ni Co ang naturang mga dahilan para lamang mapabagal o makansela ang deportation proceedings sa kaniya pabalik sa Pilipinas, upang manatili muna siya sa Europe.

Gayunpaman, maaari rin aniyang kontrahin ito ng Philippine government sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa Czech Republic. Ayon kay Taton, pwedeng igiit ng Pilipinas na hinahabol ng pamahalaan ang dating mambabatas dahil sa kaniyang pagkakasangkot sa malawakang iskandalo na tuluyang naging dahilan upang masampahan siya ng graft at malversation cases sa local courts ng bansa.

Sa kabilang banda, naniniwala si Atty. Taton na ang pinakamabilis pa ring paraan para mapabalik sa Pilipinas si Co ay ang diplomatic negotiation sa pagitan ng Philippine government at ng gobiyerno ng Czech Republic.