-- Advertisements --

Inamin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na hindi pa niya nakikitang praktikal sa kasalukuyan ang pagpapatuloy ng Public Transport Modernization Program (PTMP). 

Ayon kay Dizon, kung titignan ang kasalukuyang sitwasyon ng programa at kung ipagpapatuloy ito, makikita na marami sa mga bumili ng bagong sasakyan ay hindi na nakakabayad ng utang. Ibig sabihin, hindi talaga ito gumagana nang maayos. Dagdag pa niya, maraming problema pa ang programa na kailangan solusyunan.

Kaugnay pa nito, sinabi rin ni Dizon na tumigil muna ang mga bangko sa pagpapautang para sa modernisasyon. Ang presyo ng isang modernong jeep ay nasa P2.5 milyon hanggang P2.8 milyon. Kahit may 15% na tulong mula sa gobyerno, kailangang maglabas pa rin ng halos P2.3 milyon ang mga jeepney operators o mga kooperatiba.

Pagdating naman consolidation rate, nasa 40% pa lang ang nakakapag-konsolida, samantala nasa 20% naman ang route rationalization.

Paglilinaw ni Dizon na hindi titigil ang Public Transport Modernization Program (PTMP). Aniya, tutulungan lang nila ang mga jeepney operators na nakapag-consolidate na para maging matagumpay ang programa. Makikipag-usap din ang ahensya sa mga bangko para muling payagan ang pautang.