Inamin ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na apektado siya sa pamamayat ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang ibahagi niya ang kalagayan ng kaniyang ama noong bisitahin niya ito sa The Hague, Netherlands.
Sa panayam sa kaniya sa the Netherlands, inihayag din ng alkalde na naniniwala siyang walang rason para makasuhan ang kaniyang ama na aniya’y kalaunan makakalaya din dahil walang dahilan para manatili siyang nakadetine sa International Ciminal Court (ICC) detention facility.
Dagdag pa ng nakakabatang Duterte na wala pang pinal na desisyon kung paano makakapanumpa ang dating Pangulo bilang bagong halal na alkalde ng Davao City, bagay na kanila na aniyang ginagawan ng paraan.
Kasalukuyan ngang nakadetine ang dating Pangulo sa The Hague Netherlands, habang nakabinbin pa ang kumpirmasyon ng inaakusang kaso laban sa kaniya na crimes against humanity dahil sa umano’y mga pagpatay na nagawa sa kasagsagan ng implementasyon ng madugong war on drugs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Samantala, tila naging malamig naman ang alkalde partikular na sa naging pahayag ni Senator Imee Marcos na pagpapauwi sa dating pangulo sa bansa.
Ayon kay Mayor Baste, hindi na niya gusto pa ang Marcoses, subalit pagdating sa Senadora maaari lang aniya itong pakitunguhan ng casual bilang isang kaibigan subalit hindi aniya sa pulitika.
Hindi din aniya totoo na dadalhin ng Senadora pabalik ng Pilipinas ang dating Pangulo dahil umuwi na siya sa bansa matapos hindi payagan na mabisita si dating Pangulong Duterte dahil hindi siya kamag-anak o abogado.