-- Advertisements --

Aminado ang kampo ni Vice Pres. Leni Robredo na marami itong kailangan habulin kasabay ng pag-upo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito ang sinabi ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Barry Gutierrez na nangako ng agarang paggalaw ni Robredo para sa bago nitong tungkulin.

“Obviously, she needs to get up to speed para she can hit the ground running, so in the next few days we will be dealing with iyong mga details of her new designation. So ang importante dito, makuha niya iyong tamang impormasyon para malinaw kung ano iyong problemang kaniyang hinaharap,” ani Gutierrez.

Sa ngayon prayoridad daw munang tutukan ng kampo ni Robredo ang paglalatag ng mga plano kaugnay ng bagong posisyon.

Iniiwasan umano kasi nitong maghayag ng mga pangako nang hindi pinag-aaralan ang buong issue.

“Mahirap kasi iyong mangangako ka ng six months lang, eh iyon pala hindi mo alam kung gaano kalaki ang problema. So ayaw nating ganoon ang mangyari. So ang una niyang kailangang gawin, at iyon iyong priority siguro in the next few days, aalamin kung ano iyong extent, which probably means looking up and coordinating sa lahat ng mga agencies under that.”