-- Advertisements --

Sang-ayon si Vice President Leni Robredo na imbestigahan ang pamamahala ng National Irrigation Administration (NIA) sa Magat dam matapos magdulot ng malalang pagbaha ang pagpapakawala ng tubig sa kasagsagan ng bagyong “Ulysses.”

“Ako, it is very necessary, Karen, to prevent it from happening again. Kasi gaya ng sinasabi ko kanina it was a confluence of many factors,” ani Robredo sa interview ng ANC.

VP LENI ROBREDO Budget Hearing

Ayon sa pangalawang pangulo, dapat matukoy kung bakit sa kabila ng maagang paalala ng mga opisyal ay maraming residente pa rin ng Cagayan at Isabela ang na-stranded sa mataas na baha.

Ilang local officials daw kasi ang nakausap ni Robredo na tila walang ideya kung gaano karami ang antas ng tubig na pakakawalan ng Magat Dam.

“Iyong some of the city councilors I was with. Parang they were not aware if there was such an estimate pero para sa akin kailangan mayroong ganoon, eh. Kailangan mayroong ganoon para iyong tao alam niya.”

Kinuwestyon ng panglawang pangulo ang proseso ng pagbibigay impormasyon ng mga opisyal sa gitna ng sunod-sunod na bagyong dumaan at nagbuhos ng ulan.

Ganito rin daw kasi ang nangyari sa mga binahang lugar sa Marikina at Rizal.

“In Tuguegarao, sabi noong mga city officials I was with yesterday, iyong mga dati nang binabaha they were the ones who evacuated early. So they didn’t have to be rescued anymore. Iyong nangailangan talagang i-rescue last minute, ito iyong mga lugar na traditionally, hindi naman binabaha ng grabe.”

“Parang lahat sinasabi na, ‘alam namin na may bagyo pero hindi namin inaasahan na ganoon ka-grabe iyong amount of rainfall.’ So parang to a certain extent, iyong iba nag-kampante.”

Batid umano ng ilang Cagayan officials na maaaring magdulot ng malalang pagbaha ang pagbubukas ng dam sa gitna ng kalamidad. Kaya sana daw ay may nanguna sa pangangasiwa ng sitwasyon matapos ang sunod-sunod na bagyo.

“There was definitely an oversight kasi dapat na-anticipate, eh. Dapat na-anticipate considering na nagkaroon tayo ng Quinta, nagkaroon tayo ng Rolly.”

Bumisita si Robredo nitong weekend sa dalawang lalawigan para suriin ang sitwasyon at mamigay ng tulong sa mga sinalantang residente.