CENTRAL MINDANAO – Aminado si Kabacan Cotabato Mayor Herlo Guzman, Jr. na mahirap baklasin ang mga gusaling kabilang sa road right of way na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Road Duterte lalo pa’t alam nito ang kahalagahan ng bawat perang inilaan dito.
Ngunit batid din nito na kailangang sumunod sa ipinag-uutos ng Pangulo kung kaya payo nito sa mga Kabakeñong damay sa RROW na makipag-ugnayan sa Municipal Engineering Office at Municipal Assessor’s Office.
Kaugnay nito, inilahad ng MEO ang requirements sa mga apektado ng nagpapatuloy na road clearing partikular na sa mga tituladong pag-aari.
Ayon kay Mun. Engineer Noel Agor kailangang magsumite ng kopya ng tax declaration, sketch plan, kopya ng land title, at kopya ng latest tax receipt.
Bagamat walang kasiguruhan, siniguro ni Agor na kanilang ipapakita ang mga dokumentong nabanggit sa Department of Public Works and Highways.
Samantala, nilinaw ni Mayor Guzman na wala itong binabayarang mga gusali o establisyementong pasok sa RROW.
Ayon pa sa alkalde, ito ay programa ng national government at sila lamang ay sumusunod.
Patuloy pa rin ang isinasagawang road clearing sa apat na barangay ng bayan na pasok sa RROW habang tuloy din sa pagtanggap ang MEO ng mga dokumento ng apektado sa nagpapatuloy na aktibidad.