Binuksan sa Wilhelmsfeld, Germany ang Rizal Historic Trail bilang bahagi ng paggunita sa ika-165 kaarawan ni Dr. Jose Rizal at upang bigyang-pugay ang naging buhay at paglalakbay ng pambansang bayani habang naninirahan sa bansa.
Pinangunahan ni Senator Loren Legarda ang pagbubukas ng trail noong Hunyo 20, isang araw matapos ang anibersaryo ng kapanganakan ni Rizal.
Ang trail ay nakabatay sa rutang dating nilalakaran ni Rizal mula Wilhelmsfeld hanggang Heidelberg, kung saan siya nag-aral ng optalmolohiya noong 1886.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Legarda na mahalagang mapanatiling buhay ang alaala ni Rizal hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa mga lugar sa ibang bansa na naging bahagi ng kanyang buhay at paghubog bilang bayani.
Ayon sa senadora, ang araw-araw na paglalakad ni Rizal sa nasabing ruta ay sumasalamin sa mga simpleng gawain na kalauna’y naging bahagi ng kanyang paghahanda para sa mas malaking papel sa kasaysayan ng bansa.
Kasama sa programa ang isang guided walk mula Wilhelmsfeld patungo sa Heidelberg University Eye Clinic, gayundin ang pagdalo sa panunumpa ng mga bagong miyembro ng Knights of Rizal sa Evangelische Kirche Wilhelmsfeld.
Tiniyak din ni Legarda ang suporta para sa pagpapanatili ng trail, kabilang ang paglalagay ng mga marker upang magsilbing gabay at paalala sa mga bibisita sa lugar.
Ang pagbubukas ng Rizal Historic Trail ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap na mapanatili at maipakilala ang pamana ni Rizal at ang kasaysayan ng mga Pilipino sa Germany para sa mga susunod na henerasyon.















