Pinangunahan ni Senator Loren Legarda ang isang “Rescue buy” na naglalayong sagipin ang ani ng mga magsasaka sa gitna ng patuloy na pagtaas na presyo ng produktong petrolyo na may malaking epekto sa sektor ng agrikultura.
Dahil sa mataas na gastos sa transportasyon dulot ng mahal na krudo, nanganganib na masayang ang toneladang repolyo na ani ng mga magsasaka sa Sto. Niño, Cagayan kung kaya’t upang bilhin ito, nakipag ugnayan ang kampo ni Legarda sa Rural Rising Philippines (RuRi PH) isang organisasyo na tumutulong sa mga maliliit na magsasaka na maibenta ang kanilang produkto sa makatwiran an presyo.
Ang mga nasagip na gulay ay ipinamigay naman sa mga residente ng Payatas, Quezon City, kabilang ang mga pamilya na kapos sa kita, mga matatanda, at mga tsuper na transport network vehicle service (TNVS) na labis ding tinatamaan ng inflation.
Kasabay ng inisyatiba, hinimok ng senadora ang pamahalaanc na magpatupad ng mekanismo upang bilhin ang mga hindi naibebentang ani, lalo na kung apektado ng mataas na gastos sa krudo ang distribusyon.
Iminungkahi rin niya na sagutin na rin ng gobyerno ang gastusin sa transportasyon bilang isang praktikal na anyo ng subsidiya at isang hakbang na maaaring magbigay-ginhawa kapwa sa magsasaka at mamimili.
Binigyang-diin ni Legarda na ang ganitong inisyatiba ay nagpapakita na may agarang magagawa kahit walang malawak na burukrasya. Ang paglutas sa gutom at food waste aniya ay nagsisimula sa konkretong suporta sa magsasaka at malasakit sa komunidad.
Hinikayat din niya ang publiko na direktang suportahan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang ani upang maiwasan ang pagkasira at pagkalugi, isang simpleng hakbang na, aniya, may malaking epekto sa gitna ng krisis.
















