-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng Research Insitute for Tropical Medicine (RITM) sa utos ng Department of Health (DOH) ang insidente sa Subic kung saan ilang hospital personnel ang nagpositibo sa COVID-19, pero nagnegatibo tatlong araw matapos na sumailalim sa retest.

Ito ang nabunyag sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability hinggil sa kontrobersiyal na pagbili ng PS-DBM ng COVID-19 items.

Ayon kay Deputy Speaker and SAGIP party-list Representative Rodante Marcoleta, 49 health personnel ang initially nagpositibo sa COVID-19 noong Setyembre 3, base sa test na isinagawa ng laboratoryo ng Philippine Red Cross.

Pero pagkatapos ng ikalawang test na isinagawa sa magkaibang laboratoryo, lumabas na 44 sa 49 health personnel ang negatibo pala sa COVID-19.

Kinumpirma ni Health Sec. Francisco Duque III na nakatanggap sila ng reklamo hinggil dito, at sinabi na kasalukuyang iniimbestigahan na ito ng RITM.

Gayunman, sa ngayon, wala pa aniyang resulta ang imbestigasyon sa insidenteng ito.

Sinabi ni Duque na ipapadala ng RITM ang kanilang evaulation sa Health Facility Service Regulatory Bureau na siyang magtutukoy o magrerekomenda naman ng sanctions na ipapataw kung sakali, pati na rin ang aksyon na kailangan gawin upang hindi na ito mangyari pa ulit.