-- Advertisements --

Hinamon ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte na personal na humarap sa impeachment proceedings sa Kamara at direktang sagutin ang mga paratang laban sa kanya.

Ayon kay Ridon, ang pagdinig ng House Committee on Justice ang tamang forum upang maipagtanggol ng Bise Presidente ang sarili. 

Nilinaw niyang hindi pa ito pormal na paglilitis kundi isang preliminary investigation upang alamin kung may sapat na basehan ang kaso bago dalhin sa Senado.

“Ito na ang pagkakataon ng Pangalawang Pangulo upang patunayan ang kanyang sinasabing inosente siya. Narito na ang tamang forum upang marinig ang kanyang panig at maharap niya nang direkta ang mga alegasyon laban sa kanya. Hindi pa ito paglilitis. Preliminary investigation pa lamang ito ng Kamara upang alamin kung may sapat na basehan ang mga reklamong inihain laban sa kanya. Ang aktwal na trial ay sa Senado pa lamang mangyayari,” paliwanag ni Ridon.

Iginiit niya na dapat ilahad ni Duterte ang kanyang paliwanag kaugnay ng confidential funds, yaman, at iba pang isyu, sa halip na umasa sa mga teknikal na pagtutol at petisyon sa Korte Suprema.

Dagdag pa ni Ridon, patuloy ang proseso ng Kamara alinsunod sa Konstitusyon, at magpapatuloy ito kahit wala ang partisipasyon ng Bise Presidente.

“Ginagawa lamang ng Kamara ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon—ang siyasatin kung may sapat na basehan ang impeachment complaints at kung dapat ba itong umusad sa Senado. Magpapatuloy ang proseso. Ngunit habang patuloy siyang umiiwas sa pagharap at pagsagot sa mga alegasyon, lalo lamang lumalakas ang impresyon na ang kanyang depensa ay nakasalalay sa delay at teknikalidad—hindi sa ebidensya,” pahayag ni Ridon.