Umabot na sa 66 na kaso ng Scombroid Fish Poisoning ang naitala ng Iloilo Provincial Health Office mula Abril 6 hanggang Abril 10, 2026, na iniuugnay sa pagkain ng isdang tulingan.
Ang scombroid fish poisoning ay isang uri ng foodborne illness na dulot ng pagkain ng kontaminadong isda na may mataas na lebel ng histamine, na karaniwang sanhi ng hindi tamang pagre-refrigerate.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Maria Socorro Quiñon, head ng Iloilo Provincial Health Office, sinabi niya na sa kabuuang bilang, tatlo na lamang ang nananatili sa ospital.
Ang mga nakaranas ng scombroid fish poisoning ay nagpakita ng mga sintomas tulad ng rashes, paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga, pagkahilo, sakit ng ulo, pamumula ng pisngi, pananakit ng tiyan, pagsusuka, pamumula ng mata, diarrhea, at lagnat.
Pinaalalahanan ng opisina ang publiko na maging maingat sa pagbili ng isda, at pinayuhan ang mga vendor na huwag nang ibenta ang isda kung ito ay hindi na sariwa.
















