Nagbigay ng babala ang Health Officer ng bayan ng La Castellana, Negros Occidental sa mga residente na iwasan muna ang pagkain ng isdang Tulingan.
Ito ay matapos na tatlong residente ang nakaranas ng hindi magandang pakiramdam matapos kumain ng naturang isda.
Kinumpirma ni Vice Mayor Rhumyla Mangilimutan na tatlong kaso ang naitala sa kanilang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod, sinabi ng bise alkalde na isa sa mga pasyente ay nasa maayos na kalagayan na, habang ang dalawa ay patuloy pang inoobserbahan.
Bilang chairperson ng committee on health sa Sangguniang Bayan ng La Castellana, iniulat kay Mangilimutan ng health officer na tatlong residente ang nagkasakit matapos kumain ng Tulingan.
Dahil dito, nagbigay ng abiso ang health officer na umiwas muna sa pagkain ng naturang isda upang maiwasan ang posibleng panganib sa kalusugan.















