-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na magsasampa ito ng kaso sakaling maulit ang kontrobersyal na ritwal noong Easter Sunday kung saan isang buhay na kalapati ang itinali sa mga lobo na kalaunan ay namatay.

Ginawa ng PAWS ang pahayag matapos humingi ng paumanhin ang Diocese of Kalookan, na nagsabing wala umano silang kaalaman sa tunay na nangyari sa kalapati at inakalang ito ay pakakawalan matapos ang seremonya.

Nangako rin ang Diocese na ititigil na ang ganitong paggamit ng mga lobo sa susunod.

Gayunpaman, iginiit ng PAWS na mali ang paggamit ng buhay na hayop bilang bahagi ng presentasyon, dahil ito ay paglabag sa Republic Act No. 8485, na inamyendahan ng Republic Act No. 10631.

Ayon kay Anna Cabrera, may moral at legal na pananagutan ang sinumang magdudulot ng paghihirap sa mga hayop.

Hinimok din ng PAWS ang publiko na maging mapagmatyag at i-report sa kanila kung may kahalintulad na insidente sa mga susunod na pagdiriwang.

Samantala, inilarawan naman ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang insidente bilang “regrettable,” at sinabing hindi niya ito papayagan kung nalaman niya lang agad ito.

Pinuri rin niya ang malasakit ng publiko sa kapakanan ng mga hayop at sa epekto nito sa kalikasan.

Gayunman, iginiit ng obispo na sana’y maging kasing tindi rin ang malasakit ng publiko sa pagkawala ng buhay ng tao, lalo na ang mga napapatay dahil sa hinalang paggamit ng ilegal na droga at mga sibilyang nadadamay sa karahasan ng digmaan.

“Our compassion should not be selective. If we are capable of being deeply disturbed by harm done to animals and to nature, then all the more should we be moved consistently and passionately by the suffering and destruction of human lives,” saad ni David.