Nagpatutsadahan sa social media si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon at Senador Imee Marcos matapos ang lumabas na alegasyon sa ginawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinangunahan ng Cayetano bloc.
Sa naturang pagdinig, isang nagpakilalang dating Marine na si Rosebert Waupan ang nagsabing nakita umano niya ang isang maleta na inihatid kay Ridon at isinakay sa isang BMW vehicle sa Quezon City.
“Si Terry Ridon, sir. Nakita ko, sir na ’yung sasakyan niya, BMW ’yun sir eh… Isang maleta din sir,” pahayag ni Waupan sa pagdinig.
Kasunod nito, nag-post si Senadora Imee Marcos ng quote card na may bahagi ng naturang testimonya at nilagyan ng caption na “Wag mo siyang maTERRY TERRY!”—isang hango sa linya ng aktres na si Maricel Soriano sa pelikulang ”Minsan Lang Kita Iibigin.”
Agad namang sumagot si Ridon sa social media at itinanggi ang paratang.
“Gano kababa binaba,” aniya, sa isang pahayag na umani ng iba’t ibang reaksyon online.
Bago pa man nagparinigan ang dalawa sa social media, mariin nang itinanggi ni Ridon ang alegasyon laban sa kanya.
“Kasinungalingan ang testimonya… Walang maleta na idineliver sa akin sa kahit anumang panahon o sa kahit saan mang lugar,” saad ni Ridon.
Bilang isa sa mga House prosecutors sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, iginiit din ni Ridon na hindi maaapektuhan ng mga naturang alegasyon ang kanilang trabaho.
“Tandaan: Tuloy ang impeachment trial. Walang kasinungalingan o gawa-gawang testimonya ang makapipigil sa House prosecution panel,” dagdag niya.















