NAGA CITY – Patay ang isang riding-in-tandem matapos na mauwi sa palitan ng putok ang isinasagawang Oplan Sita ng mga otoridad sa Barangay Calero, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Kinilala ang mga suspek na sina Paciano Bandolla III, 31, residente ng Cadlan Pili, Camarines Sur; at si Reynaldo Robin Badola, JR., 29-anyos, residente ng Brgy. Escopa 1, Project 4, Quezon City.
Ayon kay PMaj. Melvin Atacador, OIC ng Jose Panganiban Municipal Police Station, patapos na sana sila sa isinasagawa nilang Oplan Sita sa nasabing lugar nang mapansin nila na may paparating na motorsiko na tila nagdadalawang isip kung papasok sa checkpoint.
Sa pag-aakala aniya ng driver motor na paalis na ang mga awtoridad ay bigla na lamang itong nagpatakbo ng mabilis at nang sinubukan silang patigilin ng mga pulis ay nagpaputok pa ang mga ito ng baril.
Dahil dito, agad na hinabol ng mga pulis ang mga suspek at dito na nagkaroon ng palitan ng putok ang dalawang panig.
Tinamaan ng bala ng baril ang mga suspek, na siyang dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.
Samantala, narekober naman sa suspek ang isang calibre 45 na baril, sub-machine gun 9MM at mga bala.
Maliban dito, nasamsam pa sa suspek ang 21 plastic sachet nang pinaniniwalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P576,000.
Sa ngayon, lahat ng mga narekober na mga ebidensya ang nasa kustodiya na ng mga otoridad para sa karampatang disposisyon.