ROXAS CITY – Walang humpay ang pasasalamat ng mga evacuee sa Batangas sa Brotherhood of Capiz Riders na personal na namigay ng mga face mask sa mga apektadong mga residente ng Bulkang Taal.
Ayon kay Pastor Russell Monton Ban, founder ng Brotherhood of Capiz Riders, sa pamamagitan ng kanilang proyekto na tinawag nilang “Miracle of 37,000,” ay nahigitan pa nila ang target donation ng 37,000 face mask.
Umabot kasi sa 62,000 face mask ang kanilang naibigay sa mga evacuee.
Nabatid na walong evacuation centers sa Batangas ang napuntahan at nabigyan ng grupo ng face masks na pangunahing kailangan ng mga evacuee maliban sa canned goods, diapers sa mga bata, kumot, unan at banig.
Halos madurog ang puso ng nabanggit na motorcycle group nang makita ang sitwasyon ng mga evacuee, na ang iba ay gumagamit ng karton bilang higaan.
Pinuri rin ng gobernador ng Batangas ang grupo dahil naglakbay pa ang mga ito mula sa Visayas para lamang makapaghatid ng tulong.
Napag-alaman na pinakauna ang Brotherhood of Capiz Riders sa mga grupo sa labas ng Luzon area na nagbigay ng tulong sa mga evacuee na apektado ng pag-alburoto ng Bulkang Taal.