Ibinahagi ng actress na si Rica Peralejo ang naging karanasan niya matapos na dapuan ng COVID-19.

Sa kaniyang vlog, sinabi nito na hindi mahulaan kung anong maidudulot ng nasabing virus.

Ipinagpasalamat na lamang nito na nag-negatibo ang kaniyang asawang si Joseph Bonifacio at ang kasamahan nila sa bahay matapos na sila ay i-swab test.

Nakaramdam ito ng sintomas ng COVID-19 gaya ng panghihina at trangkaso noong Marso 18 at matapos ang apat na araw ng ito ay i-swab test ay nagpositibo siya.

Noong una aniya ay inakala nito na kayang-kaya niya ang nasabing virus hanggang makaranas ito ng pananakit ng katawan, sakit ng ulo at kakapusan ng paghinga.

Matapos ang 12 araw ay naging mabuti na ang kaniyang kalusugan.

Sa huli ay pinayuhan niya ang mga tao na nagpositibo sa COVID-19 na magsagawa ng contact tracing, mag-isolat at imonitor ang lagay ng kalusugan.