-- Advertisements --
oil spill in Naujan

Nilinaw ng Maritime Industry Authority (Marina) na hindi pinal at executory ang desisyon para sa pagsasawalang bisa ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng shipping company na nago-operate sa MT Princess Empress.

Ginawa ng ahensiya ang naturang paglilinaw kasunod ng anunsiyo kahapon ng Department of Transportation (DOTr) ang desisyon ng Marina sa revocation ng permit ng mag-ari ng lumubog na oil tanker na nakapaloob umano sa May 11 resolution.

Kung matatandaan, ang MT Princess Empress ay ang oil tanker na nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro at iba pang mga lugar.

Ayon pa kay Marina Legal Service Director Sharon Aledo, mayroong 15 araw ang shipping company na RDC Reield Marine Services Inc. para maghain ng apela laban sa desisyon para sa revocation ng Marina.

Kapag hindi aniya nag-isyu ng petisyon ang shipping company sa reglementary period ng 15 araw, saka pa lamang magiging pinal at executory ang desisyon.

Ibig sabihin, ang Certificate of Public Convenience ng shipping company ay mawawalan ng bisa.

Subalit hindi aniya ito nangangahulugan na operational pa rin ang naturang kompaniya dahil nananatili itong nasa ilalim ng cease and desist order na insiyu ng Marina.

Ang revocation din ng certificate ng kompaniya ay base sa katotohanan na nag-operate ang MT Princess Empress kahit na wala itong awtoridad para mag-operate.

Top