Nalampasan na ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang collection target para sa unang 10 buwan ng kasalukuyang taon.
Sa kanilang report sa House Committee on Public Accounts, sinabi ng Customs Commissioner Leonardo Guerrero na aabot na sa P525.367 billion ang kanilang nakolekta mula Enero hanggang Oktubre 2021.
Ito ay 2.4 percent o P12.170 billion na mas mataas kumpara sa kanilang target na P513.197 billion.
Noong nakaraang taon ang koleksyon ng BOC sa buong 12 buwan ay pumalo sa P537.687 billion, na 6.2 percent o katumbas ng P31.537 billion na mas mataas kaysa P506.150 target.
Ayon kay Guerrero, bagama’t mayroong COVID-19 pandemic ay tumaas sa 86.02 percent ngayong 2021 ang trade facilitation score ng Pilipinas base sa report ng UN Global Survey on Digital and Sustainable Trade Facilitation.
Ito ay mas mataas kaysa 80.65 percent lamang noong 2020, ayon kay Guerrero.