-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Labor and Employment chairman Enrico Pineda na na maiiwasan ang retrenching sa mga manggagawang Pilipino sa oras na matuloy ang wage subsidy program ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakapaloob sa ilalim ng Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3).

Sinabi ni Pineda na ang proposal nila at ng DOLE ay i-subsidize ng pamahalaan ng 25 hanggang 50 percent ang sahod ng mga manggagawa.

“Isa po ito sa pinaglalaban natin sa Bayanihan 3 na sinusulong ni Speaker Lord Allan Velasco. Kung merong subsidy ang gobyerno sa mga employee, it will prevent the businesses from taking them off the workforce,” ani Pineda.

Nauna nang inihain ni Speaker Lord Allan Velasco ang House Bill 8628 o ang proposed Bayanihan 3, na gagamit ng P420-billion na pondo para sa masindihan ang ekonomiya ng bansa.

Sa ilalim ng panukalang batas na ito ay nakapaloob ang P52 billion na inilalaan para sa wage subsidies.

Ayon kay Pineda, aabot sa mahigit 400,000 manggagawa sa formal economy ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, habang mas marami pa mula naman sa informal economy.

Kamakailan lang, sinabi ni Velasco na 224 kongresista mula sa supermajority, minority at independent blocs ang lumagda sa House Bill 8628 bilang principal o co-authors.