Pinuri ng isang retiradong Catholic prelate ang hindi matinag-tinag na debosyon ng mga Pilipino sa Itim na Nazareno sa kabila ng coronavirus disease pandemic.
Ayon kay Bishop Emeritus of Novaliches Antonio Tobias, bilib umano siya sa mga deboto na dumadalo sa Novena Mass sa simbahan ng Quiapo noong Bagong Taon.
Kahit daw kasi may health crisis na hinaharap ang Pilipinas ay nananatiling tapat ang mga Pilipino sa kanilang paniniwala sa Itim na Nazareno.
Naniniwala aniya ito na dahil sa debosyon sa Itim na Nazareno ay mas lalong tumatatag ang loob ng bawat isa na harapin ang anumang pagsubok na dala ng panahon.
Kasabay nito, umaasa umano si Tobias na mas magiging mapayapa ang dala ng 2021 para sa Pilipinas kahit pa hindi matutuloy ang taunang prosesyon ng Black Nazarene.
Nagpaalala rin ito sa publiko na sa darating na Biyernes ay gugunitain ng simbahan ang World Day of Peace.
Samantala, sinimulan na noong Huwebes ang novena sa Quiapo Church para sa pista ng Itim na Nazareno at tatagal ito hanggang Enero 8.
Una nang inanunsyo ng mga opisyal ng Quiapo na hindi muna isasagawa ngayong taon ang ang tradisyunal na prosesyon ng Black Nazarene bilang pagsunod sa umiiral na health protocols.
Dinaluhan ng nasa 4 milyong deboto ang Traslacion noong Enero 2020 at itinuturing ito bilang “fastest procession” sa buong kasaysayan na umabot lamang ng 16 oras.