-- Advertisements --

Inihayag ni AFP Western Command commander Vice Amiral Alberto Carlos na nauubusan na ng barkong gagamitin ang Pilipinas para sa resupply mission ng tropa ng militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal nang dahil sa nagpapatuloy na panghaharrass ng China sa mga barko ng ating bansa sa West Philippine Sea.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng pinakahuling insidente na nangyari sa naturang pinag-aagawang teritoryo kung saan muling hinarangan, binangga, at binomba ng water cannon ng China Coast Guard ang mga barko ng Pilipinas partikular na ang isa sa mga resupply ship na ginamit ng ating bansa sa Unaizah May 4.

Paliwanag ni Vice Admiral Carlos, sa ngayon kasi ay nananatiling limitado oo kasalukuyan pang kinukumpuni ang iba pang resupply vessels ginagamit ng tropa nang dahil pa rin sa impact ng pagtama ng mga pambobomba ng tubig ng China sa nakalipas na mga misyon nito.

Kung maaalala, sa kamakailan lang na ikinasang rotation and reprovisioning mission ng AFP sa Ayungin shoal ay nagresulta sa pagkabasag ng wind shield ng Unaizah May 4 ang water cannon attack ng China Coast Guard na ikinasugat naman ng apat na tauhan ng Philippine Navy na lulan nito.

Gayunpaman ay nilinaw ng opisyal na wala itong nakikitang intensyon ng China na palubugin ang barko ng Pilipinas kundi i-disable lamang aniya ang mga ito.

Matatandaan na una nang iniulat ng Armed Forces of the Philippines sa ginanap na pulong balitaan ng National Task Force for the West Philippine Sea na lulan mismo ng inatakeng Unaizah May 4 si Vice Admiral Carlos nang mangyari ang nasabing insidente.

Magugunita rin na dahil sa pinsalang idinulot ng pangbobomba ng tubig ng China sa nasabing resupply vessel ng Pilipinas ay hindi na ito nakatuloy pa sa kanilang misyon at napilitan na lamang na bumalik muli sa mainland Palawan.  (With reports from Bombo Marlene Padiernos)