Isang araw bago ang nakatakdang paglalabas ng desisyon ng Supreme Court (SC) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) sa poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos, muling dumulog sa kataas-taasang hukuman ang kampo ni Vice President Leni Robredo.

Sa 23 pahinang manifestation na isinumite sa SC ng lead counsel ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, inihirit nilang panindigan at ilabas na ng Korte Suprema ang resulta ng manual recount at revision ng mga balotang sakop ng election protest ng dating senador sa tatlong pilot provinces.

Kabilang na dito ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Kasunod ng filing, sinabi ni Macalintal sa ipinatawag nitong press conference na dapat na sundin ng PET ang kanilang 2010 rules partikular na nag kinukuwestiyong “Rule 65”

Sa ilalim ng “Rule 65” ng PET, pinahintulutan ng tribunal ang kampo ni Marcos na pumili ng tatlong probinsiya na umano ay nagkaroon ng iregularidad sa halalan.

Base sa rule, kapag nabigo ang kampo ng nagpo-protesta na patunayan na nagkaroon ng malawakang dayaan sa tinukoy niyang probinsiya at nabigo na ipakitang malaki ang naging epekto nito sa kanyang nakuhang boto ay kailangang ibasura na agad ang poll protest.

Pero kapag nanalo ang protesta ni Marcos sa tatlong pilot provinces, dapat ay ituloy ang pagbibilang sa 39,221 clustered precincts mula sa 27 probinsiya at lungsod na tinukoy ni Marcos sa kanyang poll protest.

Bukas, inaasahang muling sasalang sa deliberasyon ng PET ang election protest ni Marcos at posibleng pagbotohan ng mga mahistrado ang draft ruling na isinulat ni Associate Justice Benjamin Caguioa.

Nakadepende ang magiging botohan sa resulta ng interpretasyon ng mga mahistrado sa “Rule 65” ng PET dahil nakasaad ditong maaaring ibasura ang protesta kung walang magiging epekto sa winning margin ang resulta ng recount sa tatlong lalawigang pinili ni Marcos.

Sinabi ni Atty. Macalintal na magiging dehado ang kanyang kliyente kung biglang babaguhin ng PET ang “rules of the game” sa gitna ng laban kaugnay ng reklamo ni Marcos.

Sa panig ng dating senador, sinabi nilang hihintayin na lamang nila ang resulta ng poll protest at patuloy na tatalima sa kautusan ng SC na sub judice rule.