
Mahigpit ngayon ang direktiba ng Supreme Court (SC) na hindi na puwedeng maging basehan ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid anti-body test para sa pagpapasara ng mga kort o hall of justice sa Pilipinas.
Sa Circular No. 101-2020 na pirmado ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sakop ang naturang direktiba sa mga first at second level courts.
Ang pagpapalabas sa circular ay kasunod na rin ng lockdown sa ilang korte sa Metro Manila dahil sa pagpositibo ng COVID-19 rapid test ng ilan sa court employees, o kaya naman ay may nakasalamuhang pasyenteng tinamaan ng sakit.
Ayon kay Marquez, ang mga korte ay ila-lockdown lamang kung positibo sa RT-PCR o swab test ang taga-korte gaya ng mga hukom o personnel na nagpositibo sa rapid test.
Isasarado ang korte sa loob ng labing apat na araw at isasalang sa kinakailangang disinfection.
Sakaling namang mag-negatibo sa swab test ang sinuri, sinabi ni Marquez na ang korte ay dapat na manatiling bukas pero kailangang magpatupad ng mga health at safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at “no scheduled hearing, no entry.”
Habang naghihintay naman ng resulta ng confirmatory test, sinabi ni Marquez na ang korte ay dapat na magsagawa ng contact tracing.
Bilin pa ng OCA, kapag may sintomas na nararamdaman o ang symptomatic persons ay kailangang sumailalim sa 14-day quarantine hanggang sa maging asymptomatic.
Samantala, ang nag-positibo sa rapid test ay kailangan ding mag-self-quarantine o magpa-admit sa ospital kapag mild hanggang sa may malalang sintomas at may travel/contact history.
Paalala naman ni Marquez, ang lahat ng korte ay marapat na makipag-ugnayan sa OCA hinggil sa gagawing aksyon sakaling may kumpirmadong COVID-19 cases sa kani-kanilang nasasakupan para maging mas maayos ang pagla-lockdown at work from home arrangements at upang hindi maapektuhan ang serbisyo sa publiko.










