Nais iapela ng restaurant owners ang naging pagpapalawig sa Alert Level 3 sa Metro Manila, sa kabila ng pagbaba na ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Ayon kay Resto PH president Eric Teng, hiling lang nila ang dagdag na kapasidad sa kanilang mga puwesto para sa mas maraming customers, upang makabangon ang mga negosyo mula sa matinding pagkalugi.
“We’re asking for Alert Level 2 because in that sense, malaki po ang capacity (there’s bigger capacity) and it will allow more people to go to restaurants, and one of them are unvaccinated children,” wika ni Teng.
Una rito, extended pa ang alert level 3 sa National Capital Region (NCR) hanggang Nobyembre 14, 2021.
Para kay Teng, magpapatupad pa rin naman sila ng paghihigpit kaya wala namang magiging problema sa health protocols.
Sa kasalukuyan kasi, 30 percent pa rin ang pinapayagan sa loob ng restaurant, habang 50 percent naman sa labas o alfresco dining.
Depensa ng IATF, may mga basehan ang pagpapanatili at maging ang pagtanggal ng restrictions, dahil hindi lang COVID cases ang batayan, kundi maging ang hospital utilization at ICU at COVID beds.