-- Advertisements --

Bumi-biyahe na pabalik ng pantalan sa Occidental Mindoro ang barkong may sakay sa mga Pilipinong mangingisda na pasahero ng fishing boat na binangga umano ng Chinese vessel kamakailan sa Recto Bank, bahagi ng West Philippine Sea.

Batay sa huling ulat, agad isinailalim sa medical treatment ang rescued fishermen kasabay ng pagbibigay ng pagkain at damit sa mga ito.

Matapos nito ay nagkaroon din ng maikling turn over ceremony ang Armed Forces of the Philippines sa mga kawani ng Bureau of Fisheries and Acquatic Resources na nakatakdang magbigay ng ayuda pagbalik sa pantalan.

Mula BRP Ramon Alcaraz na unang tinuluyan ng mga mangingisda ay nilipat ang mga ito sa BRP Tausug na magdadala sa kanila sa bayan ng San Jose.

Agad daw silang sasalubungin ni Mayor Romulo Festin na una nang nangako ng karagdagang tulong gaya ng livelihood assistance sa mga biktima.

Bukod dito muli raw sasalang sa medical check up ang mga ito, ayon na rin sa Philippine Coast Guard at Philippine Red Cross.

Sa maikling panayam sinabi ng kapitan ng F/B GemVir 1 na si June Insigne na sigurado siyang binangga ng naturang Chinese vessel ang kanilang bangka base sa ilaw ng naturang barko.

Sa ngayon kinukumpirma pa raw ng mga opisyal kung ilan talaga ang bilang na sakay ng lumubog na bangka.

Ito’y matapos aminin ng may-ari nito na 24 at hindi 22 ang sakay ng F/B GemVir 1 nang maglayag ito noong Linggo.

Samantala hinihinila na rin umano ngayon ang nasabing bangka pabalik ng pantalan para masalang sa gagawing imbestigasyon ng pamahalaan.