Nagtalaga ang mga awtoridad sa Metro Manila ng mga rescue vehicle para magsilbi sa libu-libong commuter ngayong araw kasabay ng pagsisimula ng tatlong araw na transport strike.
Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang 37 rescue vehicles ay mula sa mga tanggapan ng gobyerno at pribadong kumpanya ng bus.
Inutusan din ang mga traffic enforcer na bantayan ang mga spike o pako na maaaring ikalat ng mga nagpoprotesta sa mga kalsada.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magde-deploy ito ng hindi bababa sa 250 sasakyan sa 10 lugar sa Metro Manila.
Sinabi rin ng Quezon City Police District na magpapakalat sila ng 25 sasakyan sa paligid ng Quezon City habang ang lokal na pamahalaan ng Taguig ay nagsabing magbibigay ito ng libreng sakay sa 13 lugar sa kanilang lungsod.
Nasa 100,000 jeepney drivers at operators ang lumahok sa tatlong araw na transport strike para iprotesta ang franchise consolidation deadline sa Disyembre 30, isang hakbang sa ilalim ng public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.