-- Advertisements --

Inamin ngayon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na hindi “stable” ang lugar kung saan nag “collapsed” ang ginagawang building ng Department of Public Works and Highway (DPWH) sa Natonin, Mountain Province.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay NDRRMC Spokesperson Dir. Edgar Posadas, sinabi nito na tinalakay sa cluster meeting kanina posibleng lilimitahin na nila ang bilang ng mga rescue teams na nagsasagawa ng search and retrieval operations sa ground zero.

Ito ay dahil sa hindi matibay ang lupa bunsod sa mga insidente ng landslide sa Cordillera region.

Ayon pa kay Posadas marami ang nagpahayag na tumulong sa search, retrieval and rescue operations sa ground zero pero hindi sila ma-accomodate.

Sa ulat ng Northern Luzon command nasa mahigit 20 insidente ng landslide ang naitala sa nasabing rehiyon batay sa isinagawang aerial inspection na pinangunahan ni Nolcom chief Lt.Gen. Emmanuel Salamat.

Sa ngayon nasa limang landslide areas na ang na clear ng mga sundalo.

Samantala, iniulat ng NDRRMC na 15 ang naitalang nasawi habang 28 ang nawawala o missing na resulta sa hagupit ng Bagyong Rosita.

Sa datos ng NDRRMC anim na fatalities mula sa nangyaring landslide sa Natonin, Mountain Province; anim mula sa landslides sa Banaue, Ifugao; 2 mula sa landslides sa Tinglayan, at isa ang nalunod sa Abra.