-- Advertisements --

Mariing kinondena at pinaiimbestigahan din ng Makabayan bloc ang police operation na isinagawa sa Cebu kung saan sinasabing nasagip ang ilang mga menor de edad, na pawang mga miyembro ng Manobo tribe, mula sa mga rebeldeng komunista.

Sa kanilang inihain na House Resolution No, 1590, hinimok ng Makabayan bloc ang House Committee on Human Rights na kondenahin at silipin ang naturang insidente.

Binigyan diin ng grupo na ang mga umiiral na batas at regulasyon ay dapat para pagsilbihan ang interest ng publiko at hindi dapat gamiting armas para supilin ang karapatan ng mga ito.

Nauna nang sinabi ni PNP chief PGen. Debold Seinas na isinagawa ang naturang operasyon upang sagipin ang mga menor de edad mula sa mga rebeldeng komunista sa retreat house ng University of San Carlos.

Ayon sa PNP, sinabi ng ilang mga nasagip na menor de edad na sila ay sumabak sa warfare training habang nasa kustodiya ng kanilang mga handlers.

Subalit ayon sa Unibersidad, ang mga menor de edad na ito ay bahagi ng 42-person delegation na sumali sa modular schooling activity noong Marso 2020.

Babalik sana sila sa kanilang komunidad pero hindi natuloy dahil sa mga lockdowns bunsod ng COVID-19.