Tinawag ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na ”fake news” umano ang ulat tungkol sa umano’y pagkakaaresto kay dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co sa Prague, Czech Republic na umano’y pinalaganap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa isang video na inilabas nito sa kanyang facebook, sinabi ni Roque na personal niyang kinontak ang immigration authorities sa Prague at kinumpirma umano sa kanya na wala sa kanilang kustodiya si Co.
“Tinawagan ko yung immigration police sa Prague… wala,” ani Roque, sabay iginiit na walang kumpirmasyon ng pagkakaaresto.
Kinuwestiyon din ng dating Presidential Spokesperson ang naging pahayag ng Pangulo hinggil sa isyu, partikular ang batayan at timing ng anunsyo.
Ayon kay Atty. Roque, si Co umano ay isang mahalagang testigo sa mga alegasyon ng korapsyon na may kinalaman sa mga proyektong imprastraktura at flood control scandal, bagama’t wala siyang inilatag na ebidensya upang patunayan ito.
Dagdag pa niya, tila may pagmamadali umano ang administrasyon na hanapin si Co dahil sa posibleng testimonya nito sa mga isyung kinahaharap ng pamahalaan.
“Kung wala si Zaldy Co, hindi mabubuo ang kwento,” aniya.
Sa huli, muling iginiit ni Roque na mali ang ulat ng pagkakaaresto at hinikayat ang publiko na beripikahin ang mga impormasyon bago paniwalaan ang mga opisyal na pahayag.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na tugon ang Malacañang sa mga alegasyon ni Roque.
















