Seselyuhan na umano ng April-22 decision ng International Criminal Court (ICC) ang kaso ng mga napangalanan bilang co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Neri Colmenares, ang isa sa mga nagsisilbing legal counsel ng pamilya ng mga drug war victim, kung ibabasura ng international tribunal ang petisyon ng kampo ni Duterte na kumukuwestyun sa hurisdiksyon ng korte sa Pilipinas, seselyuhan na rin ng korte ang kaso ng mga co-perpetrator na inaasahang posibleng ipapa-aresto rin ng korte kinalaunan.
Naniniwala kasi ang kampo ng mga biktima na kukuwestyunin din ng mga co-perpetrator ang hurisdiksyon ng korte kung sakaling maglabas na ang tribunal ng arrest warrant laban sa kanila.
Ayon kay Colmenares, mahalagang kumpirmahin ng ICC ang hurisdiksyon nito sa Pilipinas upang mapadetine rin nito ang mga co-perpetrator, tulad ng naunang pagpapadetine sa dating pangulo.
Nais din ng mga bitkima, ayon kay Colmenares, na makita ang lahat ng co-perpetrators na nakakulong at haharap sa mga pagdinig.
Aniya, mahigit isang taon na mula noong naaresto ang dating pangulo at panahon na rin upang panagutin ang mga co-perpetrator.
Kabilang sa mga napangalanang co-perpetrator ay sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Senator Christopher “Bong” Go, dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, mga dating 4-Star General na sina Oscar Albayalde at Camilo Cascolan at dating Gen. Vicente Danao, dating NBI Director Dante Gierran, at dating Philippine Drug Enforcement Agency chief Isidro Lapeña.















