-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang repatriation sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Qatar sa kabila ng mga serye ng flight cancellation dahil sa hindi matigil-tigil na giyera sa Middle East.

Ayon kay Philippine Ambassador to Qatar Mardomel Celo Melicor, marami pa rin ang nagpapahayag ng kanilang kagustuhang makabalik sa Pilipinas, sa kabila ng bahagyang pagbuti ng sitwasyon sa naturang bansa.

Paliwanag ng ambassador, hindi agad mapagsasabay ang mga ito dahil kailangang maikunsidera ang kanilang pinirmahang mga kontrata habang ang iba ay may mga problema sa kanilang employer at sa immigration.

Bagaman malaking hamon ang mga serye ng kanaselasyon ng flights, sinabi ng PH official na tuloy-tuloy na lilikumin ang mga pangalan ng mga nagnanais maka-avail ng libreng repatriation upang mapagsabay-sabay ang mga ito sa mga biyaheng ikokontrata ng PH government.

Sa ngayon, mahigit 350 OFW na dating nakabase sa Qatar ang napauwi na sa Pilipinas habang 114 katao na inaasahang makakabalik sa susunod na lingo.

Unti-unti na rin aniyang nagkakababalik ang daily flight mula Doha patungong Manila, Philippines na ilang lingong natigil dahil sa giyera, kaya’t mas madali nang makakuha ng biyahe para sa mga papawiing mga Pinoy sa ilalim ng repatriation program ng gobiyerno.