Binigyang diin ng Department of Migrant Workers (DMW) na isasagawa ng mga kinauukulang awtoridad ang repatriation ng mga Pilipino sa Israel na nais na umuwi na ng PH sa tamang panahon.
Ito ay sa gitna pa rin ng giyera sa pagitan ng militanteng grupong Hamas at Israeli security forces.
Paliwanag ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac na maaaring magkaroon ng banta sa seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino kapag isinagawa ngayon ang maramihang pagpapalikas sa mga apektadong Pinoy.
Kapag dumating din aniya sa punto na kailanganin ang mandatoryong repatriation sa mga Pilipino ay kanila itong isasagawa.
Habang hindi pa aniya isinasagawa ang repatriation, ayon kay Cacdac, patuloy na pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga apektadong Pilipino na manatili muna sa indoor o sa loob ng bomb shelters para manatili silang ligtas.
Una ng sinabi ng DFA, na may nakalatag ng repatriation plan ang mga awtoridad at nakahanda silang ipatupad ito kapag kinakailangan.