-- Advertisements --

Binatikos ni House Committee on Justice Vice Chair at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora ang naging pahayag ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso na sinabing “kalokohan” ang impeachment process ng Kamara.

Sa isang Facebook video, naging marahas ang pananalita ni Olaso laban sa mga mambabatas, bagay na sinagot ni Zamora.
“With due respect to my former colleague, I don’t think words such as ‘kalokohan’ and ‘bugok lang ang gumagawa’ are necessary in any intelligent discourse,” pahayag ni Zamora.

Ipinaliwanag ni Zamora na ang impeachment ay hindi lamang isang opsiyong politikal kundi isang obligasyong itinakda ng Konstitusyon na dapat harapin ng Kamara oras na may maisampang reklamo. Aniya, magiging pabaya ang mga opisyal sa kanilang tungkulin kung hindi nila susundin ang utos ng Saligang Batas.

Pinabulaanan din ng kinatawan ng San Juan ang paratang ni Olaso na hindi ginagawa ng mga mambabatas ang kanilang trabaho dahil sa nakatutok sa impeachment.

Ayon kay Zamora, patuloy ang Kongreso sa pagpasa ng mga panukalang batas na makatutulong sa buhay ng mga Pilipino kasabay ng mga pagdinig.

Sa kasalukuyan, tinutukoy ng House Justice panel ang “probable cause” sa mga reklamo laban kay Bise Presidente Sara Duterte matapos itong ideklarang sapat sa porma, substansya, at basehan. Pinahintulutan din ng plenaryo ang komite na ituloy ang mga hearing kahit sa panahon ng recess ng Kongreso mula Marso 21 hanggang Mayo 3.

“It is unfair to insinuate that everyone is not doing their job or not working. Again, this is part of our job as Congressmen. Mayor Olaso should know that because he was a congressman himself,” dagdag pa ni Zamora.

Ipinunto ni Zamora, “Legislation is the primary job of Congressmen and if people would care to see, we are in fact doing that.”