Kinalampag ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang Maritime Industry Authority (MARINA) na maging mas aktibo sa pagpapatupad ng mga mahigpit na pamantayang pangkaligtasan sa transportasyong pandagat sa halip na kumikilos lamang kapag tapos na ang sakuna.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation hinggil sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 sa Basilan noong Enero na ikinasawi ng 66 katao, binatikos ni Yamsuan ang tila mabagal at urong-sulong na tugon ng ahensya.
Kinuwestiyon ng mambabatas kung bakit kailangan pang magkaroon ng trahedya bago magbago ng polisiya at magtatag ng mga task force.
Tiniyak ni Yamsuan, na tumatayong vice chairperson ng komite, na handang tumulong ang Kamara sa pagpopondo at pag-amyenda sa mga batas upang palakasin ang kapangyarihan ng MARINA.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Committee Chair Franz Pumaren at iba pang mambabatas sa kakulangan sa pamamahala ng ahensya.
Ayon kay Yamsuan, huli na nang ipatupad ng MARINA ang mga polisiya tulad ng online ticketing system, ‘no-ticket, no-boarding’ policy, mas mahigpit na pagpapakita ng mga signage, at ang maayos na pag-iimbak ng mga lifevest at liferaft.
Kaugnay nito, hinimok niya ang MARINA na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga pabayang third-party surveyor na nagsasagawa ng safety inspections.
Pinayuhan din niya ang ahensya na irebyu ang kanilang 52-taong-gulang na Charter at pag-aralan ang isinusulong na modernization bill ni Rep. Jurdin Jesus Romualdo upang makasabay sa pag-unlad ng industriya.















