Wala umanong nakikitang mali si former DOH secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janeth Garin sa usaping wala pang naitatalagang kalihim ng Department of Health (DOH) si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa kaniyang administrasyon.
Sa isang media forum ay ipinaliwanag ni Garin ang kahalagahan ng “continuity” sa mga programa ng Department of Health lalo na ngayong nasa gitna pa rin ng pandemya ang ating bansa at maraming pagsubok pa ang inaasahang darating.
Aniya, ang hindi agad pagtatalaga ni PBBM ng Health secretary sa kaniyang gabinete ay hindi dahil sa hindi ito agad na makapagdesisyon kundi para sa pagpapatuloy ng mga umiiral na programa ng pamahalaan.
Dagdag pa ng kongresista, kung tutuusin ay wala ring pinagkaiba ang kapasidad ng isang officer-in-charge at secretary, ang kinakailangan lamang aniya ay ang suporta sa departamento.
Para kay Garin, kayang-kayang gampanan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang tungkulin ng isang kalihim dahil full power naman aniya ang iginawad sa kaniya ng pangulo para pamunuah ang kagawaran ng kalusugan.
Samantala, sa kabilang banda naman ay ipinahayag ni Garin na ang muling pagbuhay sa national immunization technical advisory groups (NITAG) ang kaniyang nakikitang solusyon ngayon sa kinakaharap na suliranin ng bansa nang dahil patuloy na pagsulpot ng iba’t ibang sakit.
Ito ay para magkaroon ng bukod na body sa pagtingin kung gaano kaprotektado ang ating mamamayan laban sa lahat ng infectious diseases.
Magugunita na dati nang nagsilbi bilang Health secretary si Garin sa administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Dati rin siyang namuno sa nasabing kagawaran bilang isang officer-in-charge noong kasagsagan ng pagputok ng ebola virus at merscov sa Pilipinas.