CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng mambabatas na mula sa ika-anim na distrito ng Isabela ang kanyang naging boto sa anti-terrorism bill.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay kinatawan Inno Dy ng ikaanim na distrito ng Isabela, sinabi niya na “yes” ang kanyang naging boto dahil napakarami ng problema tungkol sa terorismo sa bansa kaya dapat na itong tugunan.
Aniya, kumakalat na ang grupo ng mga terorista hindi lamang sa bansa kundi sa iba pang panig ng mundo kaya dapat lamang na bigyan na ito ng pansin.
Siniguro naman nito na hindi malalabag ang karapatang pantao ng sino mang mahuhuli dahil mananagot din ang nagpapatupad ng batas na magkakamali.
Dagdag pa ng mambabatas na maari pa rin namang magsagawa ng kilos-protesta basta walang mangyayaring karahasan.