-- Advertisements --

Aminado si Bataan Rep. Geraldin Roman na nasaktan siya sa paggawad ng absolute pardon kay US Marines Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nahatulang guilty sa pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Roman na bilang isang transgender woman, ay hindi niya maiwasang masaktan sa nagaganap sa kaso ni  Laude.

“Mariin kong ipinapahayag ang hindi ko pagsang-ayon sa pagpapalaya kay Joseph Scott Pemberton na may pananagutan sa pagpatay kay Jennifer Laude noong 2014,” ani Roman, na kauna-unahang transwoman legislator sa bansa.

Kinuwestiyon din nito ang aniya’y “special treatment” na ibinibigay kay Pemberton, na isang foreigner.

“Marami sa ating mga kababayan ang nagkasala sa batas ngunit hindi naman nabigyan ng parehong pagkakataon. Hindi dapat ganito, do we deserve less?” ani Roman.

“Bilang bahagi ng pamahalaan at bilang isang politiko, nauunawaan ko na mayroong mga ganitong negosasyon sa pagitan ng mga bansa ngunit naniniwala ako na dapat panagutan ni Joseph Scott Pemberton ang kanyang krimen sa buong lawak ng batas ng Pilipinas,” dagdag pa nito.