-- Advertisements --

garin1

Umapela si House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin kay Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na tulungan ang may 338 mahihirap na estudyante upang mabayaran ang P4.4M na utang sa Commission on Higher Education (CHED).

Ang nasabing utang ay reimbursement o ang dapat na ibalik ng mga estudyante sa CHED dahil sumobra ang kanilang nakuhang financial aid sa ilalim ng scholarship program ng gobyerno.

Inisyuhan ng Commisison on Audit(COA) ng Notice of Disallowance ang CHED matapos lumabas sa kanilang audit na ilang mga estudyante ang nakakukuha ng dalawang magkaibang klase ng scholasrship grant gayong ipinagbabawal ito.

Kinumpirma naman ni CHED Chairperson Prospero de Vera na kamakailan lang ay nakapagpadala na sila ng notice of payment sa mga estudyante na karamihan ay mula sa Regions 2 at 5 at sinisingil nila itong ibalik ang nakuhang double scholarship na aabot sa halos P15,000.

Ayon kay Garin naniniwala siya na karamihan sa mga nakakuha ng double scholarship ang hindi alam ang patakaran ng COA kaya naman kung sisingilin ang mga ito ay tiyak na dagdag pasanin ito.

Punto ng mambabatas ang disallowance ay nakita noon pang 2018 at sa ngayon ay wala nang kahalintulad na insidente dahil mayroon nang nailatag na mekanismo para matiyak na hindi magdodoble ang scholarship grant.

Ayon naman kay CHED Executive Director Cindy Jaro na sinusuportahan nila ang panawagan ni Garin sa DSWD, aniya, sa ilalim ng kanilang patakaran, ang mga nakaenrol na estudyante ay hindi pinapayagan na makakuha ng educational aid hanggang hindi nakakabayad sa reimbursement habang ang mga nag-graduate na ay kanila ding hinahabol para magbayad.

Ang CHED ay may mandato na magbigay ng financial assistance sa pamamagitan ng scholarships sa mga kuwalipikado na mahihirap at walang tirahang estudyante sa ilalim ng RA 7279, persons with disability sa ilalim ng RA 7277, solo parents at kanilang dependents sa ilalim ng RA8972 at Indigenous people sa ilalim ng RA 8371.