-- Advertisements --

Iminungkahi ni Iloilo Rep. Janette Garin kina Pangulong Bongbong Marcos at Health Officer in Charge Rosario Vergeire na baguhin ang depinisyon ng “fully vaccinated” kung saan isama dito ang unang booster shot upang mahimok ang publiko na magdagdag ng kanilang bakuna laban sa COVID 19.

Ang mungkahi ay ginawa ni Garin, kasunod na rin ng mababang booster population ng bansa na nasa 21.76% sa kabila ng bukas ang Department of Health(DOH) at mga Local Government Units(LGUs) sa pagpapabakuna ay mabagal at kakaonti ang turnout dahil naging kampante na ang karamihan sa natanggap nilang primary series o ang unang dalawang covid vaccine.

Sinabi ni Garin ang nakikita niyang problema sa low booster rate ng bansa ay sa messaging.

“Nasaan ba ang problema, I believe its in the messaging because we keep on insisting na fully vaccinated ka na sa dalawang dose, hindi tayo nagiging transparent hindi tayo nagiging buo sa desisyon na ang katotohanan nung pumasok yung delta at dumagdag pa yung omicron variant at sub variant ang isang fully vaccinated person ay iba na ang naging depinisyon. Kapag dalawa beses lang nakabaunahan ay under vaccinated, inadequate ang kanyang proteksyon kaya kailangan ng isa pang bakuna at yung ikaapat na bakuna yun ang magiging totoong booster” paliwanag ni Garin.

Naniniwala si Rep. Garin na kung lilinawin ng pamahalaan na hindi pa maituturing na fully vaccinated sa unang dalawang covid dose ay mas mahihikayat ang publiko na magpabakuna at mas mapapabilis ang pagkamit ng bansa sa “herd immunity” na nawala nang pumasok ang omicron variant.

Ayon kay Garin hanggang mababa ang booster population ng bansa ay premature pa ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force on for the Management of Emerging Infectious Diseases(IATF) na payagan ang optional na pagsusuot ng face mask dahil kung matutuloy ito ay lubhang nakakaalarma.

Binigyang-diin ng mambabatas, sa Singapore at Vietnam ay wala nang face mask dahil 78% na ang kanilang booster population habang sa Estados Unidos bagamat maliit pa ang booster rate ay well-organized ang kanilang healthcare system na kung magkasakit ng covid ay may ospital at libreng gamot na ibinibigay ang kanilang pamahalaan na malayo sa sitwasyon sa Pilipinas.

“Kapag ginawa natin optional ang pagsusuot ng face mask ay magpapadala lang ito ng mixed signal, aakalain ng taumbayan na tapos na ang pandemic, maluwag na kaya ang mangyayari lalong hindi namagpapabooster”pahayag ni Garin.

Iginiit pa nito na hindi nya makita kung ano ang magiging dagdag benepisyo kung luluwagan na ang face mask protocol dahil kahit nakasuot ng face mask ay maituturing na normal na ang lahat pagdating sa movement ng tao at umaandar na din ang ekonomiya.

Suhestiyon pa ni Garin para mapalakas ang booster rate ay isabay sa pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan ang pagpapabakuna at payagan ang vaccination drive sa mga workplaces gayundin ay magbigay ng libreng pamasahe gaya ng kanilang ginawa sa Iloilo First District kung saan nagbigay ng libreng pananghalian, gamot at pamasahe kaya dinumog ng tao ang vaccination sites.