LEGAZPI CITY- Pormal ng nagsampa ng kasong cyber libel si Rep. Alfredo Garbin Jr. laban sa may-ari at station manager ng isang local radio station dahil sa umano’y paninira nito sa kanya online.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Garbin, nag-ugat ang kaso dahil sa mga paratang ng inirereklamong si Hermogenes “Jun” Alegre na siya umano ang nasa likod ng pagpapasara ng naturang radio station.
Subalit nanindigan ang kongresista na lumabag sa batas ang radio station na nag-operate ng walang prangkisa at ginamit ang frequency na pagmamay-ari ng Hypersonic Broadcasting Center kung kaya ito ipinasara.
Nanindigan din si Garbin na politically motivated ang mga paratang nito lalo pa at kasalukuyan siyang tumatakbo bilang alkalde sa lungsod ng Legazpi.
Sa ngayon ay sinusubukan pa rin ng Bombo Radyo na hingan ng reaksyon ang inirereklamong mediaman patungkol sa kasong isinampa ng kongresista.