Nanantiling tikom ang bibig ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa panibagong bansag sa kanya na “boy sakay.”
Matapos kasing mahingan ng rekasyon ang kongresista ukol sa umano’y pagsakay nito nsa mga event ng Malacanang, hindi pa rin nakakapagbigay ng kanyang komento ang nasabing speaker-aspirant.
Nauna nang binatikos ni House Majority Leader Fredenil Castro ang tila paggamit daw ni Velasco sa event ng Malacanang kahit pa hindi dapat.
Ayon kay Castro, “highly indecent” ang ginagawang “political pickpocketing” ni Velasco.
Malinaw naman aniya na self-serving para sa political interest ni Velasco ang pag-imbita nito ng mga mambabatas sa isang okasyon sa Malacanang.
Pahayag ito ng Castro matapos na kumalat kamakailan ang text blast mula raw sa tanggapan ni Velasco na humihikayat sa mga kapwa niya kongresista na tumulong sa pakikipag-coordinate sa Mass Oath-taking ng mga bagong halal na opisyal bukas sa Malacanang.
Sinabi ng kongresista mula Capiz na iwasan daw sanang gamitin ng mga speaker-aspirants ang event ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa sariling political agenda.