Inirekominda ng ilang kongresista na ipagpaliban ang nakatakdang reopening ng pasok sa Agosto 24 dahil wala pa ring bakuna sa COVID-19.
Inihain ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales ang House Resolution 876 na naglalayong ipagpaliban ang reopening ng mga pasok sa pampubliko at pribadong paaralan hanggang sa magkaroon ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Iginiit ni Gonzales na mahirap ipatupad ang social distancing sa mga paaralan lalo na kung ang bawat silid aralan ay inuukupa ng nasa 40 hanggang 80 estudyante.
Posible rin aniya na ang mga guro at iba pang school personnel ay asymptomatic carriers ng COVID-19, pero mahirap aniyang ma-detect ito lalo na at hindi naman sila kasama sa expanded mass testing.
Bagama’t mayroong mga rekomendasyon ngayon na magkaroon ng flexible learning system kung saan papayagan ang physical at online classes, nababahala si Gonzales na mapag-iwanan naman iyong mga nasa lugar kung saan walang kuryente at walang access sa internet.