BUTUAN CITY – Inilibing na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia kanina sa bagong Talacogon Municipal Memorial Park matapos ang funeral mass sa gymnasium, kung saan siya ang kauna-unahang inilibing sa naturang sementeryo na matatagpuan sa Brgy. Labnig.
Bukod sa kanyang pamilya, mga kamag-anak, kaibigan, teammates, fans, supporters at mga kababayan na nagbigay ng huling respeto mula kahapon hanggang kanina sa kanyang libing, naroon din ang ilang mga dignitaries.
Mula noong araw na inilagay sa Talacogon gymnasium ang kanyang bangkay para sa public viewing, hindi na magkamayaw ang libu-libong kataong nais na makita siya sa kahuli-hulihan dahil sa legasiyang kanyang iniwan sa kabila ng kanyang murang edad.
Ang kanyang pangarap na mabigyan ng marangyang buhay ang kanyang mahirap na pamilya, ang nag-udyok sa kanya na pumasok sa Ateneo de Manila University upang maging bahagi ng Ateneo Blue Eagles basketball team.
Matatandaang nalunod siya at nasawi sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, kasama ang kanyang Nigerian teammate na si Divine Adili.
















