Dinalaw na ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang Sablayan Prison and Penal Farm sa Mindoro Occidental na isa sa kaniyang mga tinitingnan na lugar kung saan maaaring ilipat ang Maximum Security Prison.
Kinumpirma ito ng kalihim sa isang pahayag sa harap mismo ng mga kawani ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos ang isinagawang on-site inspection sa Maximum-Security Camp ng New Bilibid Prison kasama sina BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag at iba pang personnel ng kagawaran.
Ayon kay Sec. Remulla, kabilang sa kaniyang inalam sa Sablayan ang lokasyon, layo, laki ng lupa, at iba pa.
Layunin ng planong paglilipat ng Maximum Security Prison na mas mapadali pa ang pangangalaga at pagbabantay sa mga taong sinestensyahan ng hukuman dahil sa kanilang mga nagawang mabibigat na krimen tulad ng rape, murder, kidnapping, drug trafficking at iba pa.
Panahon na kasi aniya para tignan at mabusisi ang iba’t-ibang resources ng BuCor upang mailagay sa tama ang lahat.
Bukod dito ay ipinaliwanag din niya na kailangan na raw kasing malayo ang Maximum Security para mapigilan aniya ang mga taong may maiitim na balak dito.
Dahil jan ay inatasan niya si BuCor Director General Bantag na limitahan na ang linya ng komunikasyon sa Bilibid kung saan maging ang mga kawani ay pagbabawalan na rin na gumamit ng telepono habang nasa trabaho bilang pag-iwas na rin aniya sa mga tukso at hamn na hindi madaling tanggihan.
Samantala, sinabi rin naman ni Remulla na malaki ang tiwala niya na makakaya nilang ma-reformalize na maipatupad hindi lamang ng BuCor kundi pati na rin sa iba pang mga ahensya na nasa ilalim ng DOJ.
Matatandaan na kabilang ang BuCor sa tatlong attached agencies ng DOJ na nais niyang matutukan dahil sa mga isyu ng katiwalian at presensya ng mga sindikato.