-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kahit inaprubahan na ng Japan at Estados Unidos ang anti-Ebola drug na Remdesivir bilang treatment sa COVID-19, ay nasa clinical trial stage pa rin ito sa Pilipinas.

Ibig sabihin, hindi pa inirerekomenda ang naturang gamot para gamitin ng COVID-19 patients dito sa bansa.

Ipinaliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang statement na investigational drug pa lang ang Remdesivir sa ilalim ng World Health Organization (WHO) solidarity trial.

Ito yung malawakang clinical trial ng WHO sa apat na uri ng gamot, kung saan kasali ang Remdesivir.

Ayon kay Usec. Vergeire, walo mula sa 24 na participating research sites ang aktibong nag-enrol ng kanilang mga pasyente sa naturang trial.

Sa linggong ito, 40 pasyente raw ang naka-enrol sa trial at nahati-hati na sila iba’t-ibang treatment groups.

Kinumpirma ng opisyal na dumating na dito sa bansa ang Remdesivir kasama ang iba pang gamot para sa solidarity trial.

“The shipment of Remdesivir has already arrived in the country and is being distributed to the study sites, while hydroxychloroquine and ritonavir/lopinavir have been distributed from donations and available supplies from the malaria and HIV programs of the DOH,” ani Vergeire.

Bukod sa mga nasabing gamot, may higit 12,000 tableta ng Japanese anti-flu drug na Avigan din daw ang inaasahang darating ng Pilipinas, na gagamitin din sa clinical trial.