May inihanda nang local at international relocation ang pamahalaan para sa mg OFW (Overseas Filipino Workers) sa Ukraine, na naiipit sa napaulat na invasion ng Russia.
Ayon kay OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) administrator Hans Leo Cacdac, naipagbigay-alam na sa mga OFW sa Ukraine kung saan ang pickup points para sa kanilang relocation.
Base sa mga report mula sa embahada sa Poland, sinabi ni Cacdac na nagpapatuloy na sa kasalukuyan ang “in-country” relocation para sa mga Pilipino sa Ukraine na karamihan ay sa Kyiv.
Aniya, ang relocation site para sa mga apektadong Pilipino ay nasa 400 kilometers lamang ang layo mula sa capital city.
Sakali mang lumala ang tensyon doon, kaagad na ililipad palabas ng Ukraine ang mga Pilipino roon.
Tukoy na rin aniya nila ang lugar kung saan maaaring dalhin ang mga Pilipino.
Sa ngayon, mayroong nasa 380 na mga Pilipino sa Ukraine.
Bukod sa anim na Pilipinong umuwi sa Pilipinas noong Pebrero 18, mayroong isa pang batch na nakatakda ring dumating sa bansa.