-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pansamantalang itinigil ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagpapadala ng relief support sa Itbayat, Batanes, dahil sa sama ng panahon na dulot ng Bagyong Hanna.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, tiniyak ni NDRRMC-Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal na sapat ang mga relief support na galing sa Itbayat local government unit, provincial government ng Batanes at ang mga nauna nang ipinadala ng NDRRMC, kaya napagdesisyunan nila na itigil muna ang pagpapadala ng karagdagang relief support sa nasabing lugar.

Aniya, maliban sa mga relief items, mga gamot, sanitation and hygiene kits, nakapagpadala rin ang NDRRMC ng mga enclosed tents na maaaring gamitin ng mga residenteng hindi pa nakabalik sa kanilang mga bahay na sinira ng lindol.

Itutuloy umano nila ang pagpapadala ng relief support sa pamamagitan ng air at sea assets ng Armed Forces of the Philippines kung maayos na ang lagay ng panahon.

Samantala, tiniyak naman ng opisyal na hindi lamang ang mga taga-Itbayat ang nakahandang tulungan ng pamahalaan kundi pati na rin ang iba pang mga naninirahan sa Batanes na maaaring maapektuhan ng bagyo at iba pang kalamidad.